Back track to memory lane: Buhay Estyudyante

90when we were about ten .. we were asked of who we wanna be?

most of us, because of our childish mind, answered being a doctor to cure the sick, a police man to help the oppressed , a pilot to travel the world, or in my case.. a billionaire to employ all the rest of my classmates when they end up being who they wished to become. Hahaha

And then when we entered college.. we were asked again of who we would like to be. most of us answered , in the most mature way we can possibly do, being a successful businessman, an established professional, or being the best we can possibly be…

But we tend to forget that the time after graduation is not necessarily the time of best achievements, for life is not as perfect as what we wanted it to be. it’s the time of doing mistakes, several of them. like entering the job you’re not fitted for and ending up being fired, mastering philosophy (in our most eager desire to know what our life truly means) and ends up realizing that there’s no money in Philosophy nor in Biology, and of falling in love (and doing lots of it).

Now that we’re already grown up’s, we know how to move along with our life, that when we’re asked again of who we would like to be… we can proudly answer…“who the hell knows?” hahaha.

Akala ko nung grade 3 pag katapos mag-aral ng mga tao laging ang ending eh yayaman, magkakapamilya at magiging masaya. Ngayon lang nag sink in sa’kin na di pala ganun kadali ang lahat. Hinde ko alam kung nag sesecond childhood ako,

pero may tawag dito eh.. uhhmmm… midlife crisis? hahaha

——————————————————————————————————

ELEMENTARY YEARS Batang 90’s

gameboy=0= Ako yung halimbawa ng tipikal na batang pinoy na lumaki at ipinagkasya ng mga magulang sa mababa at mataas na paaralan. Kaya hinde ako naniniwala na mas magagaling yung nakatapos sa pribado kesa sa pampublikong paaralan dahil hinde naman sa taas ng tuition nababatay kung magkakakotse ka balang araw oh kung magdidil-dil kayo ng asin dahil puro pagtitinda lang ng tosino inatupag ng guro mo mula sa public school. Nakadepende parin yun sa’yo.

Masarap mag aral sa Public School kasi mas marami yung school population, kaya mas marami kang makikilala, makakabarkada, makaka-away, makaka-sumpitan ng sago sa canteen, makaka-kopyahan sa Math pag di mo na alam mag subtract ng improper fractions, at makaka-palitan ng note book na may nakasulat na joseph (pinaka sablay nung gr. IV) loves Leona (beast fighter ng klase).tamagotchi

Masarap mag aral sa Public School kasi mararanasan mong tipikal na nararanasan ng ordinaryong batang pinoy : mag-agawan ng upuan dahil konti lang yung na-provide ng DECS (DepEd na ngayon), mapingot, masigawan, hambalos ng walis, kurot, mabigwasan ng libro, at gawing stress ball ng lukring na teacher, pumuga sa likod ng room habang busy sa pakikipag-bonding session yung teacher mo sa kumare nyang teacher ng kabilang klase habang pinagkwekwentohan yung kagalit nilang teacher nang kabilang room.

Masarap mag aral sa public school kasi naranasan ko sya. Lalo na kung dun ka nag-Elementary. Parang pagpapraktis lang ng sayaw tuwing linggo ng wika oh kapag may school program; Masarap na mahirap na masakit sa ulo, at itatawa mo nalang pag naalala mo.

——————————————————————————————————

B.M.E.S. (Barasoain Memorial Elementary School)

=0= Yung School namin na’to bukod sa tampulan ng panlilibak at stereotyping ng mga matapobreng discriminative sa mga public schools, eh nababalot rin ng pang holloween na kwento minsan. Tipong sementeryo daw dati at may mga nag papakita at nagpaparamdam na kung anu lalo na dun sa gawing grade one at grade four rooms na balot sa kasukalan. Hinde uso sa’kin ang kwentong momo pero may encounter rin ako.

Bukod sa panahon pa ata nila Balagtas at Plaridel yung mga kwarto namin na puro matandang kahoy ang sahig at ding-ding at sinauna pa yung disenyo ng hagdan lalo na dun sa stage (lahat narenovate na ngayon), eh mapuno, masukal at madidilim rin yung sulok-sulok ng campus, kaya siguro nauso yung momo rumors.

Ang naaalala ko lang, natatakot kaming mag C.R. na kami lang, lalo na yung dambuhalang C.R. sa likod ng Grade Five rooms (nademolish na ata ngayon) at yung tagong C.R. sa likod ng Grade 6 rooms kasi di ko sigurado kung sa momo nga oh sa takot na ma-Methane Gas poisoning sa sobrang sulasok ng amoy ng C.R. na laging may iniiwang ebidensya sa krimen yung gumamit na kundi kalat eh lumulutang pa sa bowl. *flush*. =))

——————————————————————————————————

Ang mga sumusunod na eksena ay hango sa totoong buhay at kung isa ka man sa mga mababanggit dito na-barubal at na-baboy ang pangalan, nagka-kamali ka, hinde ikaw ang tinutukoy ko sa mga sinulat ko, hinde tayo naging mag-kaklase, kaya kalma lang. =))

Circa 1992-1998 (Ang Tanda ko na. Syet! =))

-JMDC =)

About this Blog

GRADE ONE (Simula ng struggles sa A-Ba-Ka-Da)

=0= Hinde ko na-enjoy kumanta ng “10 little Indian boys” at malagyan ng star stamp sa kamay kasi ni di man lang ako pinatikim mag kinder at isinalpak agad ako sa grade one. ‘Di ko alam kung anung trip nila tatay nun pero wala na’kong nagawa kundi makihabol sa mga kaklase kong marunong nang mag sulat habang ako nag sisimula palang matuto ng “A” for “Apple” , “B” for “Barbeque” , “C” for “Chocolate” and “G” for “Gutom”.abakada 2

Parang iniinis pa ko nung katabi ko nun kasi sila dikit-dikit na mag sulat gamit yung matabang lapis na kulay itim na phased out na ata ngayon, habang ako nag papabula lang ng ilong sa sulok. Pero kahit sakitin ako at kalahati ata ng grade one ko eh nailagak sa hospital, di naman ganun ka tagal yung adjustment (Matapos ang ilang kurutan at hambalusan sessions courtesy of nanay para lang matutunan ko maisulat unang pitong letra ng pangalan ko).

Matapos ang isang buwan ok na ko sa mga pinaparecite ni mrs. De Guzman mula sa lumang rolyo ng manila paper na may naka-pentel na “si bibo ay may aso, ang pangalan ay bobo…”  at yung mga visuals nila na isinasampay sa istante at laging sinasawim palad anurin ng baha tuwing tag ulan. Hinde ko narin nili-lipsing yung pagkanta ng “Lupang Hinirang”.

Pero wala talaga kong ni-gabuning interes mag aral nun. Nakaka-aliw lang titigan yung mga piktyur sa libro… pwera nalang pag tinadtad na ng vandalism ng katabi mo na isa sa mga topak kid nung grade one.

=0= Speaking of topak, nagkarun ako ng katsokarats nung grade one na tipong may saltik sa utak. Hinde ko alam kung nasobrahan lang ng Anesthesia nanay nya nung naglalabor sa kanya oh Gin Bulag nung pinagbubuntis palang sya. Si Gruta. (Sana di nya to nababasa ngayon.hahaha). Pero solve sa kanila ni Mark Anthony yung Grade one ko, pati narin si Christopher pinipig.  Pabibohan sa kwento.
Kung naospital ako, tapos ikwekwento ko yung mga nangyari sa hospital at sasabayan ng momo stories na napakinggan sa “isang gabi ng lagim” (na uso pa dati sa dzrh dahil la pa masyadong palabas sa t.v. pag gabi) eh dapat naospital rin sya at mas may napakinggan rin syang momo stories at dapat laging siya yung bida. ayaw pasapaw. kwentong bata. hahaha.

=0=  Laging kawawa samin si Edlyn D. tampulan ng pambubwiset namin at ginawa naming pamatay boredom. babanat si mark ng “tanda..mukhang matanda!”.. si Gruta ng…”noo! lapad ng noo!”. tapos sabay sabay bebelat. Pero nag back fire rin samin mga pambubully namin. Sumugod yung katipunerang nanay! at dinuro duro kami ng payong.

kung pede lang mag ala ninja at mag disguise na desk ng upuan ng mga panahon na yun. Galante rin naman yung nanay ni Edlyn tanda. Nung nag b-day yung anak nyang kamukha ni rene requiestas nagpakain ng pancit at juice sa buong klase. Umuwi akong may ngiti sa labi at bit-bit yung plastik ng pancit para sa pinsan kong babae na nadalaw samin kasama sila lola arcadia na di ko narin maalala kung anung pangalan oh kung san na ngayon naroon.

=0= Uso ang bakuna nun sa grade one. Parang may tugtog pa ng voltes V sa background nung sumulpot sa pintuan ng room namin yung vaccination team. Isa isa kaming pinapila para injectionan. Syempre, bait-baitan yung mga volunteer nurse para di kami matakot. Kasu, kay Gruta nasira lahat ng plano nilang maganda para sa’min.
nag histerical ang loko nung iinjectionan na. parang eksena sa pelikula, tipong rape scene. Sumuko rin yung mga nurse kasi napad-pad si Gruta dun sa sulok na may mga laruan at walis at tipong lahat ng mahawakan eh lumilipad sa ere, at wala sa mga nurse na gustong umuwing may bukol mula sa tama ng dust-pan.

32471_116886738349168_116154911755684_90705_242323_n

=0= Nung nanganak yung adviser namin, nalipat kami kina mrs. De jesus sa kabilang kwarto. Mukhang mas active yung klase nila, pakanta kanta at padrowing drowing lang. Nagkakagulo sa recess, nagtutulakan sa plant box, pedeng magswimming sa corridor sa sobrang dami ng bata. Masaya yung klase nila mam de jesus, pwera nalang pag napapadalaw yung anak nya na mula sa private school na kasing edad lang rin ata namin na absent nung nagturo ng GMRC at tipong aliping saguiguilid kung ituring yung mga kaklase ko.

=0= Hinde ko alam kung san na naroon tong mga bata na’to pero siguro kung may nakakaalala man sakin mula sa helera ng mga uhuging paslit na’to, huli na para marealize na di pala ako kasama nung nag class picture sila. Kasalukuyan siguro akong nagmumuni-muni kung goto ba oh sopas ang ipapabili ko kay tatay pagbalik nya sa ospital ng mga panahong yun. Kung bakit ako bumili ng P25 na class picture kahit wala ako dun?… hinde ko rin alam! hahaha.

=0= Masaya sa Grade one. Natutunan kong pede palang isulat sa desk na kahoy ang pangalan ko gamit ang basyo ng bolpen. =)

——————————————————————————————————

 

-JMDC =)

About this Blog

 

 

GRADE TWO (Dito ko narealized na wala ako ni ga-buning talent sa Math)

=0= Nung ni-tour kami ni Kris, yung kulot-kulot na Service Maintainance ng School, papunta sa mga rooms namin pag grade two na kami, saka lang namin naisip na magkakahiwa-hiwalay kami ng abnoy na si Gruta at ng nog nog na si Mark. Malungkot pero di pa naman uso txt nun kaya swerte nalang kung magkikita kita pa kami sa school or magkakaklase sa susunod na taon oh kung san na mapapad-pad pagkatapos.

 
=0= Pag dating ng grade two, mas naging active si nanay na dumalaw dalaw sa school. kinumare nya yung matandang adviser namin, si mrs. Rosa Rosita Rosales (hinde ko alam kung joke time lang yun ng parents nya na pangalanan sya ng ganun kasi overkill sa floral design oh talaga lang uso yung name killing nung 30’s). Di ko alam kung dahil dun kaya may special treatment sya sakin tuwing binubully ako ng bungal pa nung si mickey (michael joseph s) oh ng katsokarats ni kewell na si jeff s. Oh kapag pinatatakas nya ko sa paglilinis pag cleaners row namin dahil tinangay ko hanggang grade two ang pagiging sakitin. Oh talaga lang mukha akong bugbuging batang kaawawa nun kaya laging sakin yung simpatya ng teachers.

 

Ang paboritong tinda ng Teachers namin.

Ang paboritong tinda ng Teachers namin.

=0= Nung grade two ko natutunan na may mga nilalang pala na kahit grade two palang eh magulang na, user friendly, at tipong mapang lamang sa kapwa. Nakilala ko si kewell (kung ikaw man ‘to, at nababasa mo’to ngayon, nagkakamali ka, di ikaw to.. kapangalan mo lang. =) Kung panu ko sya naging kaibigan? hinde ko rin alam. Ang alam ko, pag bata ka, kung sino yung una mong makatabi sa seat plan, wla kang choice kundi kaibiganin sya. All i know eh binibwusit na namin sila krisanda sandico at camille adriano oh ni mellissa y. (di ko na maalala) sa kabilang desk at nag papahabol sa kanila tuwing recess, nagtatago sa rebulto ni balagtas sa harap ng grade one rooms at kinakawawa ng mga amasonang kaklase pag nahuli. Sanggang dikit kami nun. Magkasamang ginugulpi ng damulag na si Allan (na may buhok na sa kili-kili eh grade two parin) kapag sinusumbong sa kanya ng kasing damulag nyang kapatid na si Sherryll.

Mag kasamang nag lalaro ng thumb tucks. itinutuwad yung thumb tucks sa sahig at patagalang paikutin (Di ko maimagine kung ganu lang kasimple ng mga libangan dati). Mag kasamang nag ca-cardiac arrest pag nadadagan ng mga kaklase sa wrestling pag walang teacher. Walang laban ang sapaw attitude ni Gruta kay kewell. naku! sisiw si Gruta sa Narcicistic skills ni kewell! Kung alam mong mag paikot ng thumb tucks, wala ka kay kewell kasi kuya raw nya nag pauso nun sa mundo. kung may bentilador sa bahay nyo, naku! wala ka kay kewell kasi ultimo daw banyo nila may ceilling fan. Kung pede lang awardan ng plake na “ako ang magaling at ako ang sikat”,  siguro mas naging fulfilling yung grade two nya.

 
=0= Kung di ako nag kakamali mga P12 or P10 lang ata baon ko nung grade two. Mura pa cost of living nun. Piso lang pamasahe ko sa jeep nun kasi malapit lang yung bahay namin dati. Kasabay ko pa si Jervie Santos na nag lalakad hanggang kanto ng mojon makapili lang ng maluwag na karatig para masakyan. Gusto lagi namin sa harap para tipong fieldtrip lang ang dating. P3 lang ang sopas sa canteen sa tabi ng opis. at P9 lang ang tanghalian. uso pa nun yung pisong samalamig na nilalagay sa plastic ng yelo at punong puno ng food color pati na ng maliliit na sago na ginagamit pang sumpit pag inaasar ka ng kaklase mo. kendi na tatlo piso (minsan nga apat pa). Bubble gum na bilog-bilog at ibat ibang kulay (yung pula ang best seller) na parati kong binibili kina mang jerry na apat pa piso. Intermediate pad na anim piso, art paper na P.75 isa at totserol na binibigay pag wala ng panukli..lahat tinda ng adviser namin sa classroom (pero syempre discreet lang, tsaka di pa nila naiisip na mas patok itinda ang tocino at longganisa ng mga panahon na’to.)

 
=0= At dahil simple pa pamumuhay nun, yung baon ko di ko na halos nagagastos. nilalagay ko sa panyo at isinisilid sa magkabilang bulsa na tenga ng backpack ko na may nakadrowing na dinosour. di ko napansin na napuno ko na pala sya, kaya pala di na masyadong makalansing pag naglalakad at tipong bumigat lalo. Malalaki pa ang barya dati. yung piso, tipong pede mong gamiting pang bakat pag magdodrowing kayo ng earth sa science subjects, at octagon pa yung dos nun, nauso rin yung bilog na dos nung grade six pero mas classic yung octagon. hinde ko na matandaan kung anu binili ko sa naipon ko or kung nakulimbat ni kewell yung iba (again, kung ikaw man si kewell, di ikaw yung tinutukoy ko, guni-guni mo lang. =)

31821_116177771753398_116154911755684_88072_7824001_n
=0= Hinde ko alam kung kasag-sagan lang nun ng WWF kaya war freak mga kaklase ko tuwing recess, or idol lang talaga nila si undertaker at yokosuna kaya isinasabuhay nila pag may nakikitang ka-rambulan. Pinaka sikat sila jericho r, patrick l, rodolfo g, at jacquez pag dating sa shooting ng WWF. dapat knock out kung knock out. tapos nag dadaganan sa tabi ng teacher’s table. walang aangat hanggat hinde nagkukulay violet yung sinawimpalad na mapunta sa ilalim, oh kundi pa mahampas ng pat-pat ni mrs. Barredo na terror adviser ng kabilang klase.

 
=0= Naalala ko yung kauna-unahan kong award sa buhay styudyante ko. lunes nun. kasabay ng flag ceremony ang recognition day at pag gagawad ng ribbon sa mga batang naging masunurin at bumili ng totserol sa teacher nila. tinangay ko sa skul si nanay, proud mag sabit ng ribbon. Ang hirap kaya maging….best in religion!. Kamoteng yan! wala kasing recognition para sa mga academic subjects sa skul namin. pero yung mga misyonerang madre mula sa cathedral na nag tuturo samin ng Religion tuwing miyerkoles eh nag bigay ng gawad pagkilala sa mga bulilit na nagpasiklab ng galing sa katolisismo. Hinde ko alam kung bakit active ako pag nag tatanung na kung sino parents ni mama Mary or kung panu irecite ang “Our Father” pero siguro wala parin akong niga-buning interes sa academics nun. Nawala ko na yung maliit na sto.Nino na isinabit sakin sa stage nung mga panahon na yun. Sayang!

 

-JMDC =)

About this Blog

 

 

GRADE THREE (Eto yung Erap moment ko.. binotong Class President tapos na-demote)

=0= Siguro naglevel-up na pagkain namin sa bahay ng mga panahon na’to at di na ko utak lugaw nung grade three. Dahil creative ang nuknukan ng sungit naming adviser, si mrs. Mercurio, gumawa siya ng seat plan. Nauso ang row discrimation. Yung mga sinawimpalad na mapunta sa row 4 ang pinagbubuntunan nya ng poot sa buhay at karaniwang laging namamaltrato. Isa ko sa mga pinalad na makaligtas maging stress ball ni mam dahil natsambahang matapon ako sa row1.

Makatao naman yung desisyon ni mam kasi obviously mas magugulo, maiingay, at topak kids yung mga nasa pinakadulong row. sila yung karaniwang minemeryenda yung kaklase tuwing recess or naglalagay ng bubble gum sa buhok ng kaiskwelang babae, parang si jericho roa na kinailangang pang gupitan ng buhok ung kawawa naming kaklase dahil ginawang pader sa pagpapasak ng bubble gum. Sila Jumple ds. na parang baboy na kinakatay kung ngumawa. sila Joseph j. na laging sumasalo ng walis pag hinahambalos ni mam. Basta, nababalot ng maiitim na ulap yung pinaka dulong row.

gr 3
=0= Maingay rin naman yung row namin. katabi ko nun si jedidiah clutario. Sa harap namin sina gabrielle cruz (abi) at jelaine. tapos sa pinaka harap sila angeline bacud (na laging minamanyak ni go mark), go mark go, at amerlou. minsan nagmi-migrate sa desk namin si Carlo james c. pag di na nakakayanan saltik ni mergine delfin sa likod. (Congratz kung kilala mo sila, kasi malamang magkaklase tayo.)

Masarap mapunta sa row namin. Panu kung gumising ka isang araw?…tapos naka upo ka na ulet sa desk na yun, katabi yung mga kaklase mo nung grade three, lumingon ka man sa mag kabilang side ng kwarto makikita mo lang yung mga visuals sa cabinet ni mam, letter cutting ng “GMRC Quote” sa taas ng black board, bote ng five finger plant na pinapalitan ng dilig bago mag klase, kurtina ng bintana, metal pencil case (minsan two storey pa at may mga pindutan) mo na may lamang makulay at mabangong eraser, bolpen na all in one ung pindutan at iba’t ibang kulay ung ink, lunch box at coleman ng katabi mong naghihintay ng tunog ng bell, yung pagmamagaling ni mergine sa likod habang kinukwento yung joke na napulot nya sa mga pinsan nya, oh yung ngiti ng dalawa mong kaklaseng babae sa harap.

Habang nag susulat si mam ng vocabulary words sa blackboard na kokopyahin nyo sa notebook at sabay-sabay irerecite mamaya. naririnig mong nag rerecite na ng sabay-sabay yung kabilang klase. at tanaw mong nag sasayaw yung mga batang grade one sa room nila sa tapat. tanaw mo sa bintana na dumadaan si Magda (Canteen Crew) dala yung merienda ni mam salazar sa kabilang room. nag tataas ng kamay at nagmamagaling mag papansin si jelaine sa row two, tinatanung kung anu yung kasusulat palang ni mam para lang masabi na aktibo syang kumokopya at tipong sya lang ang mabuting estyudyante sa room (hinde ko nalagyan ng apelyido si jelaine di dahil sa natatakot akong pira-pirasuhin pag nabasa nya to kundi dahil di ko nalang talaga maalala =). Tapos bigla kang sisikuhin ni jed, mapapatingin ka kina abi, at i-tuturo sayo si mam mercurio sa harap, na nakatitig sayo, may hawak na pat-pat, at itinuturo yung word sa black board para basahin mo? Mamamatay siguro ko kundi sa takot na makalasap ulet ng pat-pat ni mam eh sa nostalgia pag nangyari ‘to.
=0= “Tingnan nyo si jeffrey, di naman nag kinder pero pag tinawag mo nakakasagot”. Hinde ko alam kung malakas lang talaga ang karisma ko sa teachers oh kung deserve ko talaga yung papuri ni mam. At dahil nga nagkaroon ng pagkakataon na nabulagan sakin ang klase, naiboto akong class president. hinde ko na maalala kung sinong nag pasimunong ino-minate ako pero kung alam ko lang, sana sinuhulan ko nalang sya ng Tootserol para di nalang magsalita. Masarap yung eksena ng class Nominations kasi dito mo naibobotong muse yung pinaka mukhang unding sa klase at ine-eskortan ng pinaka uhuging batang lalake. pero swak naman yung naiboto. sina carlo james at si abi. Vice president si melanie lagtapon na number one die hard admirer ni carlo. Ginawang sgt. at arms si jhonard dela cruz sa muscle muscle nyang katawan. Masarap maging Class president. Masarap yung nag uutos (di masarap pag walang gustong sumunod). Masarap maging teacher’s pet.
=0= Dumating ang di inaasahan. Dahil sa kagustuhan naming itapon si Go Mark palabas ng bintana habang nagpapraktis ng girl scout yung mga babae sa labas eh nakibuhat naman ako at nakigulo kina jed. Malay ko namang papasok na ng kwarto si mam, dala yung classic nyang pat-pat, may horror background music at hinahambalos ang sinumang nakatayo. Kahit nakaligtas ako sa first attack, di na ko nakatakas sa part two ng palo pat-pat the movie. Nasa harap na si mam at pinapaamin ang klase kung sino daw ang promotor ng kaguluhan. tahimik ang lahat. pero ang epal na si jaypel s. ang bumasag ng katahimikan, sabay duro sakin at ipinagdiinan na ako daw ang kriminal. Nahati sa 46pcs ang mundo ko. Gusto ko sanang mag plead ng “not guilty”, ituro yung mga tunay na salarin, kasu nakapag baba na ng hatol si mam. bukod dun, ramdam ko narin yung pat-pat nya na walang kaabog-abog na hinampas sakin. buti nalang nasangga ng desk, pero syempre best actor ako sa pag akto na natamaan.

At ayun na nga, bukod sa demoralisasyon ng pagka-demote eh iprinoklamang presidente ang lampayatot na si mergine. Hinde ko alam kung kanino ako nag pa-hypnotized para mawala yung trauma ko sa nangyari pero nakapasok pa naman ako kinabukasan. Gusto ko sanang mag all black attire, mag tali ng black ribbon sa noo at mag deklara ng silent protest sa demoralisasyong natamo ko kasu para namang abnoy makakita ng grade three na nagwewelga di ba?
=0= Uso narin nung grade three ang listahan ng noisy and standing. Sinisingil ng piso ang malilista. Ang Malnourish na si Mergine ang naatasang maglista at sa notebook pa ng resibo nya nililista yung maiingay at walang muwang na tumatayo. Sa buwiset ko sa di makatarungang palakad na yun, ibinulalas ko kay nanay. Malay ko namang susugod kinabukasan. Ang panget na ng image ko kay mam. Nasundan pa yun. Yung libro at funny komiks na ipinagdadamot ko daw, yung nabasag na paso na namatay na yung halaman bago napalitan,… ang dami kong bitter moments. hahaha.

funny
=0= Eto rin yung panahon na binitay si Flor Contemplacion. tad-tad ng posters ang pader ng skul at ugong sa usap-usapan ng mga teachers. Uso rin ang bigayan ng mga class journals na P1.50 pa isa, kung san headline pa yung “let’s DOH it” ni Juan Flavier at ang ASEAN summit ni Fidel Ramos. Paborito kong sagutan yung ACRONYMS sa likod ng journals namin kung san bibigyan mo ng meaning ang DPWH, MRT, DOTC..etc. tsaka yung mga bugtongan. Nanghihinayang nga ako kasi pinamparikit lang ni nanay yung mga yun matapos meryendahin ng mga timawang anay sa taas namin kamakelan lang.fvr
=0= Grade Three ang simula ng buhay bata ko. Mas marami ‘kong naalalang nangyari sakin dito kesa nung grade one, grade two or grade four. Masaya maging kaibigan sila abi at jed, pati narin sila amerlou. Masarap mapunta sa row namin. Masarap balikan yung Christmas party na laging panyo yung natatanggap kong regalo kundi towell (kasi yun rin lang nman nireregalo ko, makaganti man lang). Dito ako nag first communion. Dito rin ako binibit-bit ni nanay papuntang bataan, crossing, manaoag, grotto,  pag may evangelical missions sila ng nasira nilang samahan sa Lord of Pardon. Dito kami nina jorgen at Carlo naging fans ni Combatron at ng funny comics na P5 lang nun at nabibili pa sa palengke kahalubilo ng liwayway magazines bago pa to tuluyang nawala sa sirkulasyon. Masarap balikan ang grade three. Masarap maging bata ulet.

-JMDC =)

About this Blog

GRADE FOUR (Pariwara moments. kung may isang school year na pedeng sunugin sa kalendaryo dahil wala kang natutunan, eto yun.)

=0=Wala talaga kong matandaang makabuluhang bagay na nangyari nung grade four. Ang alam ko lang eto yung growth gap year ko. stagnant ang buhay nung grade four. Walang matinong teachers at walang matinong subjects. Yung room namin parang headquarters ng mga hapon nung World War II. Bukod sa lumang luma na eh napapaligiran ng kasukalan at patubig, katabi ng tambakan ng basura ng skul na smokey mountain pag umaga at playground ng mga batang malalakas ang immune system pag hapon. Minsan lang ako nag tangkang magbabad sa smokey mountain kasi hinde ka “in” pag di ka pa nakapag laro dun. hahatakin ka ng mga kaklase mong sabik sa amoeba at cholera. Dun nag tutumbling tumbling yung ibang grade four. parang isang sangay ng isla yung helera ng rooms namin dahil nakalutang sa patubig. yung kay mam tanjuangco yung pinaka dulo at yung sa kabilang dulo eh abandonandong room na balot sa agiw, tinambakan ng mga lumang silya, libro at kwadro, nakakandado, at tad-tad ng momo stories. sa dulo nun eh isang lihim na lagusan papunta sa likod ng grade six na minsan narin naming sinuong nila yambot. may isang makitid na patiyo lang na nag dudugtong sa isla ng rooms ng grade four patungo sa main road papuntang kabayanan. Isolated yung rooms namin. parang pag nag kasunog kami yung unang unang magiging casualties kasi kami yung pinaka malayo sa Gate ng skul na nasa pinaka bungad pa. gr 4

=0=Mabait rin naman yung adviser namin, si Mrs. Santiago. Syempre kinumare rin sya ni nanay at na-immune sa pag-sugod nito tuwing may aberya. Parang nung may sumibol na bakat ng kuko sa pisngi ko bunga ng ka-abnormalan ni RA Yadao, sugod ang nanay. Eh tiyempong nandun si Mrs. San Pedro, ang sadistang teacher ng grade four. “ay, maluko nga yan ah, akin na’t ako nang papalo.” eka nya kay mam Santiago habang iwinawisawas yung pang-kamot ng likod (na hugis kamay) na ginagawa nyang latigo pag nag paparusa na ng mga walang muwang na bata. ipinabukas ang mga palad ni yadao at naging piping saksi kami kung pano lumatay dun ang pat-pat ni mrs. san pedro “pak!” .. “pak!!”. Ngiwi nalang sya sa sakit at derecho sa desk nya para mag mukmok. hinde ko sigurado kung may masamang karanasan si mrs. San pedro nung kabataan nya kaya ginagawa nyang insekto ang mga styudyante oh kung dahil rin ba dun kaya mukhang T-Rex yung kabilang braso nya, pero ilang beses narin akong naka-lasap ng magic pang-kamot nya. Yung kay mam Mercurio dati eh classic na pat-pat lang talaga, pero yung kay mam San Pedro kakaiba, kasi literal na pangkamot na hugis kamay na may tatak pa atang “made in Baguio”. Tahimik ang klase pag sya na ang next subject. Tipong bentilador lang ang maingay. Home Economics. Natuto kaming gumawa ng table matt, door matt, uminom ng pain-reliver, mag-dasal at ipanalanging mai-adya kami sa bangis ng kanyang pang-kamot. Hinde pa kasi uso “imbestigador” nun tsaka bantay bata 163 kaya siguro bigay todo ang mga teachers kung maniris ng bata, parang kuto lang.

=0=Laging weird ang simula ng klase pag pasukan na, kasi matapos mong i-recycle at tahiin ng yarn yung mga di-nasulatang pages ng notebooks mo nung grade three at mag sukat ng kaki at white t-shirts (na may tatak ng skul) kung kasya pa sa next school year, eh makikihalubilo ka na naman sa mga batang di mo pa naman alam ang kalikaw ng bituka. Di ko na matandaan kung panu kami naging magkatsokaran ni joseph J pero sya ata yung una kong nakatabi sa seat plan. tapos biglang sumulpot nalang sa eksena si Rodie Ian Pineda. Masaya naman silang kausap. Nasa harapan namin sila Aprilyn R at ang ekshibisyonistang si Christine Claire (sana di nila nababasa ‘to). at nasa likod sila Annie grace e,,  Leona m. the beast fighter at sila Joan Rna suki rin ng pambubuwiset namin nila joseph.

=0=Kumpara naman kay kewell, mas may bahid ng G.M.R.C. si Rodie kaya naging magkabatak kami. Mag-kasabay sa recess, mag-kasamang binu-bully nila Ligo Sardines at nakikipag babag kina Arnel turnilyo at Jose Ramil P the taekwando kid,  at mag kasamang umuwi kasi magkapit-bahay lang rin. Minsan nagkakaratig, pero madalas nag lalakad kasi malapit lang rin naman saka masarap magkwentuhan pauwi. sumusuot sa kapitolyo at inaakyat yung tuktok pag natripan at nakalusot sa gwardya, dumadaan sa b.s.u. at umiinom sa drinking fountain ng skul. kasu bunga ng pambubuyo nila Edward nog-nog at Yadao abnoy eh nag-kapikunan kami sa biro at ngumawa ang Rodie. Away bata. hahaha. Pero nagkabati rin kami, matapos ang 1 1/2 years. grade five na ulet kami nag-usap.

32071_122309861140189_116154911755684_108394_5250868_n=0= Bago kami nag-hiwalay ng landas, sumugod muna sila samin. Sabado nun, di pa uso ang Cell Phone kaya tantyahan nalang sa oras kung kelan magkikita kita. ang usapan kasi maglalakwatsa kami pag walang pasok. Pag gising ko asa sala na sila ni joseph unyango at parang gusto pang magtanung kung anung meryenda ang pede kong ihain. Syempre anu pa bang gagawin ng mga bata, alangan namang mag usap kami tungkol sa pulitika oh kung masaya bang gamitan ng statistical analysis ang thesis pag college na,  syempre grade four kami, kaya pinanindigan na naming maging paslit, hinukay ko sa baol at inilabas yung mga laruan at teks na nasa kahon pa ng hopya. Uso pa nun yung Ghost Fighter na teks, walang kamatayang dragon ball z, sailor moon, yung nanay ng mga teks na tipong strips ng pelikula pa ang laman. isinaboy namin sa sementong sahig yung mga teks kasama na ng mga kotse-kotsehan, tau-tauhan na karaniwang ginagawang target range sa perya, baril-barilan at mga jolens. syempre nalaos yun nung inilabas na ni joseph ang baon nyang action figure, si Hulk Hogan na movable ang mga joints, tipong pede mong bali-baliin yung mga kamay at paa para ibahin ang pwesto, na ipinamana na nya sakin bago umuwi at ipinamana ko naman sa mga pinsan ko na kumulimbat nun nung napad-pad sila samin kasama nila tita Mone. Sinayang namin mga buhay namin ng araw na yun. 32071_122309847806857_116154911755684_108393_194740_n

Nagta-tumbling tumbling sa lapag, Nagtatago sa likod ng pinto at nag babarilan. yung baril ko pa naman nun yung tipong may sound effects pa ng machine gun para mas ramdam mo yung acting ng pagkisay na tipong natamaan talaga ng bala. Masaya na sana kasu pinauwi na sila ni nanay. maiingay raw kasi. hahaha.

=0=At dahil nga nagkarun ng cold war samin ni rodie dahil napikon sya sa pag tawag sa kanyang “bibe” na timeless na tukso sa kanya nila yambot nung grade two sila, eh kami nalang ni joseph ang madalas mag kaulayaw at gumagawa ng kung anu-anong kabobohan sa mundo. kalahati siguro ng populasyon ng brain cells ko ang nagretiro nung grade four. Di uso ang review. Di ka “in” pag nag aral ka. Bug-bugan at bangayan sa kapit-bahay na desk ang trend nung grade four. Wala kaming inatupag ni joseph kundi punuin yung notebooks nya ng mga drowings. Manghang -mangha siya sa drowing ko. kung pede lang ipa-laminate, hihingin nya yun at ipapa-kwadro. Ayus namang kasama si joseph kasu minsan nakakahawa yung ka-engotan nya. Nung dinapuan sya ng beke at umabsent ng ilang linggo, nasagip rin sa tuluyang pagka-ubos ang brain cells ko. Naging kabatak ko si Ligo Sardines. Isa pang pariwara tong bata na to. Magkasamang nag-rerecess at kumakain ng P3 na goto sa canteen tabi ng room nila sir Santiago. Hinde ko na masyadong maalala pero wala masyadong makabuluhang naganap sa taon na’to. pwera lang dun sa aksidente kay tatay na kinailangan pa naming iwanan yung bahay at makitira kina tita ditse sa Lolomboy.

=0=tuwing pasko umuuwi kami nila tatay kila lola Barang sa valenzuela. Nung bata pa ko naalala ko yung lumang bahay nila lola sa polo na may silong pa at tatad ng malalaking plaka ng classic 60’s at 80’s hits. na nirarasyunan pa ng tangke ng tubig kasi di pa ata uso sa kanila ang NAWASA nun. Sampung magkakapatid sila tatay (pwera pa yung mga kapatid on the side). Nahiya pang hustuhing basket ball team ni lolo yung pamilya nila. Masaya sana kila lola nun, lalo na nung kumpleto pa sila tatay na magkakapatid. Ang i-ingay at kwela sila tito Jun, samahan pa nila tita bebe. Nuclear family.

Uso din ang pagrereport ng mga latest updates at showbiz happenings sa pamilya. kung anu na bang nangyari kina j.r., oh kung nag asawa na ba sila kuya reynold, oh kung anu na namang kabal-balan ang ginawa ni tito efren. Masaya sila dati. lalo na nung nandun pa sila sa lumang bahay. kasu nung nalipat na sila, kasabay ng pag-aasawa ni ate Mhae, dun na ata nag simulang matuliro ang storya ng buhay nila. isa-isa naring namaalam ang miyembro ng pamilya. Nauna si lola Barang, tapos sinundan ni ditche, ilang taon lang sumunod naman si tito efren, tapos si tita luding, tapos si tatay. Ang tulin ng panahon. parang kahapon lang nanood pa kami ng vhs kina ate mhae sa pasolo, tapos ngayon ala-ala nalang.  Ngayon bihira na lumuwas dun. pero siguro sa ibang photo album ko nalang itutuloy to kasi parang biglang gumulo yung storya ng grade four ko kasi usapan elementary photo album to eh biglang napunta kina lola barang. hahaha.

-JMDC =)

About this Blog

GRADE FIVE (Identity vs. Confusion: eto siguro yung stage na sinasabi ni Erik Erikson.)

=0=Nung napunta kami ng grade five, medyo tahimik na ulet ang buhay ko. bukod sa mas homie yung room namin eh medyo naihiwalay ako sa mga pariwarang kaklase nung grade four. yung room namin eh niluma narin ng panahon. kulang nalang gawing capiz yung bintana at mag sabit ng malaking kwadro ni Emilio Aguinaldo na hand-painted, papasa na syang bahay-pari nung spanish era. mataas yung kisame at halatang matandang kahoy yung dinding at panahon pa nila balagtas yung disenyo ng halige. kinain na rin ng anay yung sahig na pinag dudusahan naming floor waxan at pakintabin tuwing uwian pag cleaners ang row namin oh sinawim palad malista sa noisy and standing. sira sira narin yung sahig at kita sa ilalim yung silong na minsan naring naka biktima kay jhong nung pag tripan syang ihulog nila adrian.

=0=Si Jhong ang kabatak ko nung grade five, kasi nga ayon sa “seat plan theory” ko, kung sinong makatabi mo sa seat plan, s’yang una mong magiging kabatak. eh mautak si miss Felias nun, adviser namin, ginawa nyang alternate yung girls sa boys para nga naman di magkasama-sama ang mga babae sa kapwa babae at lalake sa kapwa lalake para nga naman di sila mag uusap at less ang noise pollution sa klase. Eh kasu nasira yung plano nya dahil likas na madadal-dal ang nagkatabi-tabi sa row namin. buti kung dal-dalan lang, eh sa karamihan ng pagkakataon puro nagbabangayan kasi nga alternate girls and boys, syempre yung magkatabing lalake eh aawayin yung magkatabing babae sa harap nila.

gr 5Nung katabi ko si jhong, madalas naming binabasag ang umaga nila razel kapre at airene deseo. dun sa bandang likuran pa kami napad-pad, katabi ng lagayan ng walis, lata ng floor wax at panlinis ng kwarto. syempre, gaya ng inaasahan, gunugulpi nila kami pag asar-talo na sila. ganun lang naman ang buhay sa skul dati… mambuwiset ng pikon na kaklase hanggang sa batohin ka ng pencil case oh ipabugbog ka sa tatay pag uwian. masaya namang kaulayaw si jhong. Galing sa mariwasang pamilya kaya bago lahat ng uniporme, lunch box, bag, umiilaw na rubber shoes, school envelope at punong puno ng adipose tissues sa katawan. ok sana buhay ko nung sya kabonding ko sa desk kasu minsan parang boring na, tahimik at medyo nagbubuklat na ng notebook para mag aral.

Minsan sabay nagka-cram sa pag tapos ng art works sa M.S.E.P. (Musika Sining at Edukasyong Pangkalusugan) at sabay naghahabol ng assignments sa ibang subjects.. dahil ata dito kaya kami pinaghiwalay ni mam.. kasi sobrang sipag naming umatupag ng mga bagay-bagay kahit hinde pa naman yun yung subject. naitapon ako sa tabi nila archilles at yambot sa may bandang unahan. Asa likod namin si madelaine na laging parang inaaway at malungkot ang facial expression at si julie anne na pinsan ni jhong.

=0=At ayon sa “seat plan theory”, kahit na di mo gusto yung katabi mo, laging kayo yung magiging magkabatak sa huli. kasi kahit si jhong yung kasabay ko sa recess, sila yambot parin yung kadal-dalan ko pag klase. tatlo kami sa desk nila archilles. eh puno rin ng nag-uumapaw na adipose tissues yung batang yun kaya pit-pit kami sa upuan. Masaya naman silang kasama, lalo na pag walang teacher (na mas maraming beses nangyayari). nakikimigrate samin sina jorgen yung prodigal child magdrowing nung grade two kami at si carlo james na hanggang ngayon eh storya parin ng buhay ni combatron ang alam pagkwentuhan (eto ata yung year na kakampi na ni combatron si death metal at mabubuo palang si mega death. Sana naabutan mo rin ang funny comics no? hahaha). syempre nagre-wrestling parin sila russell atienza at jermaine sa harap pag nangangapitbahay pa si mam. at libre rin ang boyoyong clowns kasi all out at pro-active sa mga ganyan sila yadao at joseph tengang daga.sunny2

=0=Sikat parin nung grade five yung lecture tactic ng mga teachers na nag susulat ng mga mahahabang lektyur sa movable na black board at dadalhin nalang sa kwarto para “voaila!”.. instant activity na at may time na si mam na makipag palitan ng latest updates ng chismax sa teacher ng kabilang kwarto. Walang kupas sa ganitong gawain si mam de Guzman na HEKASI (Heograpiya Kasaysayan at Sibika) teacher namin.

kinalyo mga daliri namin at nirayuma mga puwet namin sa pagtapos ng isang milyong lektyur araw-araw. Nag kakarera pa kami ni yambot nun. para namang mas henyo at bibo kid ka pag una kang natapos sa pag kopya ng lektyur eh sisilaban mo rin naman yun sa kalan pag bakasyon na at wala nang mahanap na pamparikit (di pa ata masyadong uso gasul nun. kalang de gaas at de uleng pa inabutan ko. yung binobombahan at sinusundot pag may bara na parang sa magpi-fishbol, tsaka yung de gaas na ang tuling maupod ng mitsa at pahabaan ng pasensya ma-shoot yung takip.).
=0=Naa-alala ko rin yung napaka fulfilling at productive na class role na iniatang ni mam samin ni jhong. Tipong kulang nalang eh mag-celebrate kami after school nung mabalitang kami nga ang katangi-tanging napili…. napiling maging… TAGA-TAPON NG BASURA ng klase. “what the f…” hahaha. pero syempre bata pa kami nun. walang ibang nagjo-jogging sa mga kokote namin nun kundi ang ideya na pag lumabas ka ng room para gampanan ang iniatas na mabigat na tungkulin ng pag sasagip sa klase sa polusyon.. eh libre kang makakapag lakwatsa sa canteen para bumili ng samalamig at makiusyoso kung anu na bang latest na laruan ang nakasabit sa paninda nila kahelera ng mga pera-pera at pom-poms na tsis karls (chiz curls), at libre ka nang pumuslit para makaligtas sa recitation pag nakalimutan mong rebyuhin kung panu i-drowing yung g-cleft or kung anung katumbas na tunog ng whole-note oh kung pano ikumpas ang ikapat na sukat ng lupang hinirang… mas gugustuhin nalang nga naming mag-tapon ng basura. hahaha.

 

ka pakner namin mag liwaliw sina yambot at rodie na tundem naman mag tapon rin ng basura, dalawa kasi yung dambuhalang trash-containers ng klase; tig-dalawa kami sa pag buhat. ay, kina rodie pala yung dambuhalang bariles tapos samin ni jhong yung malinggit na basurahan sa ilalim ng table ni mam na minsan narin naming naiwala yung takip. Laging gulpi si yambot kay rodie kahit di hamak na maliit to sa kanya kasi minsan ginawang praktisan ng boxing yung mukha nya nung huling nag umbagan sila, natrauma siguro kaya di na nanlaban ulet. grade three palang boksingero na ang rodie. hahaha.

Nakakatawa yung tundem nila lalo na pag kinukutusan ni rodie yung isa with full emotions (na parang ang engot engot nung binabatukan at palpak na naman sa pinaguutos) at labas ang buong ngipin sa panggigigil habang hinuhubad yung gomang tsinelas at tinutuktok sa bunbunan nung isa. hahaha. parang dolphy at babalu lang. dun rin ata kami nag kabati ni rodie. Maarte kasi ko.. pag nagkagalit.. ayoko na makita yung tao. eh etong isa di rin siguro nakatiis.. nakipag ayos. kaya ayun.. sabay na ulet kami umuwi at sabay narin ata kami pumasok tuwing afternoon class. malayo sa room namin yung smokey mountain na nandun pa sa likod ng school grounds sa tabi ng rooms namin nung grade four. So apat na kaming nag sasayang ng buhay sa canteen at nagtataguan sa dambuhalang c.r. sa gilid ng room namin at nag hahanap ng tutubi sa grade four rooms habang nag tuturo ng pag didivide ng mixed numbers si mam. kaya siguro utak lugaw ako sa Arithmetic. hahaha.28930_396523674393_649739393_3835429_5824837_n

=0=Nung kapanahunan ko, isang buong araw pa ang klase sa Elementary. From 7am – 11am (morning class) tapos uuwi ng 11am-1pm para mag lunch.. tapos 1pm-4pm babalik sa school para sa afternoon class. yung mga malalayong bahay gaya nila Glenn bitangcol at peter paul punzalan eh nagbabaon, tapos kami naman nila rodie eh umuuwi… minsan nakakatamad na bumalik kaya uso nun ang absent ng half day kasi nakatamaran nang pumasok nung hapon. Minsan nakakapraning maalala yung ambiance ng skul pag maaga kong dumadating sa afternoon class at madadatnang pawisan sa pag lalaro ng sipa oh habulang parami yung mga kaklase kong sabik sa palo ng teacher.

Yung tipong naglisawan sa school ground ang lahat ng uri ng bata at lahat tipong magkakakilala. iba yung uri ng meet and greet nung elementary. walang snob. Minsan inaagahan talaga namin yung dating pag hapon para mas marami pang oras makipag langit-lupa at mas maraming mapagkwentuhan. nakaka-miss yung buhay na wala kang inaalala kundi yung coleman mo na kelangan mo nang eskobahin sa sobrang kapal ng lumot (yung kay yambot tad-tad pa ng yelo lagi para mas patok pag nagiging inuman ng bayan.), oh ng sandals ko na binabarnisan ko pa para mas mukhang bago (buti nagsurvive mga cells ko sa paa).

pag dating ng bahay pag uwian, may oras pa ko para mag babad sa t.v. at manuod ng “ang t.v.” oh ng “mojacko” (grade six), oh pag tripan yung mga pusa namin sa bakuran nung dati naming bahay, oh mangolekta ng abo dun sa malaking pugon na kalanan at isaboy sa ere (oh sa pusa) parang tipong magician lang, hanggang magdapit hapon at dumating na yung mga tao sa bahay para mag luto ng ulam, manuod ng “t.v. patrol” oh ng “home along the riles”, hanggang makatulog, gigising ng madaling araw para mag init at maligo, papasok ulet at hahanapin sa naglisawang pila yung mga kaklase mo habang may flag ceremony kasi lunes nga pala nun. babalik sa room. kakastiguhin yung cleaners pag di pa nag lilinis. tatabi sa mga seat mates mo at mag papaunahang magkwento ng napanuod kagabi. Matindi ang noise pollution nung elementary. lalo na pag holloween, kasi tad-tad ng momo stories ang mga kaklase mo na napulot pa nila sa mga dramatizations ng magandang gabi bayan oh sa pag punta nila sa puntod ng kaanak.
=0=Minsan inudyokan rin ako ni mam na sumali sa poster making contest kasi nahinuha niya na may mumunting bahid ako ng pagkamalikhain at nabudburan ng konting angking galing sa sining (nose bleed sa tagalog hahaha). Nung opisyal na ibinalita ni mam na gusto nya kong isali sa kontest eh malugod ko namang ipinaabot kay nanay yung mabuting balita na bukod sa pagtatapon ng basura eh may makabuluhang plano rin pala para sakin yung teacher namin. actually, parang wala akong gana nun.

wala parin ako ni gabuning interes sa school activities. nakulangan sa drive at motivation. pero all out rin naman si nanay sa pag bili ng oil pastel at ng life size na illustration board kahit 1/4 size lang yung pinapabili. edi sige naman ako sa pag tutunaw ng taba maidrowing at maikalat lang yung oil pastel sa malaki pa saking drowingan. Puro pang tarpaulin kasi yung mga nakapaskil sa dinding ng rooms na gawa ng mga halimaw sa art na styudyante ni mam dati, edi syempre todo sa pressure para ma-out shaddow mo yung mga nakalagay sa dinding. pero actually di ko rin naramdaman kasi wala naman ata akong paki nun kung manalo man oh hinde.

pinapunta pa ata kami nun sa library ni sir antonio kahalubilo yung ibang contestants kasama si wilmar na balediktoryan namin, para magpamalas ng galing sa pag guhit. Hinde ko na maalala kung anung kinahinatnan nung mga obra namin na isinali sa kontest. mukhang ginawa nalang atang dekorasyon sa pader ng skul, kundi man pinagdikit-dikit at ginawang kahon ng basura para mas tipid.

=0=Marami ring Regal shocker moments yung mga teachers namin pag nagmu-mutate na sa galit tuwing maingay oh may pasaway na kaklase. parang yung topak moments ni sir antonio nung gawing confetti yung mga sulating-pormal namin matapos iwasiwas sa ere sabay walk out nung mag-amok sa klase sa di malamang kadahilanan. nung binibigay na namin sa kanya ulet yung sulatin sa room nya sa library eh nakangiti na ulet parang schizophrenic lang. Si sir Diaz naman ginawang pantanggal ng stress si jermaine nung tampal-tampalin ng notebook nyang walang lamang assignment.

At si mam felias nung ihambalos nya si mark sa cabinet matapos mag ala incredible hulk sa galit (di ko na maalala kung bakit). Pero sa lahat ng teachers namin si mam dimagiba na teacher namin sa E.P.P. (Edukasyong Pantahanan at Pangkalusagan?) lang ata ang pinaka madalang na nag transform bilang mutant sa galit. gusto ko siya kasi bukod kay mam felias, mam balena at sir caparas, si mam dimagiba ang isa sa masusugid naming teacher na masipag magturo. kung natutunan namin kung panu mag parami ng mga kambing at manok sa agrikultura mula kay sir caparas, si mam dimagiba naman ang nagturo samin kung panu gawin ang iba’t ibang uri ng tahi at kung panu gawing pin cushion ang puwet ng kaklase namin. hahaha. komedyante rin to katulad ni mam olalia. parang terror sa umpisa pero nakakatuwa na sa huli. Naalala ko nung nahinto sya sa pag tuturo sa klase, napasulyap sa bintana ng room habang papabagsak nang ulan, at napapitik ng daliri sabay sabing “nakuw, yung mga sinampay ko sa bahay! damuhong ulan to!”. oh yung muwestra nya ng kung anung karayom dapat ang bilhin namin na wag raw sing laki ng karayom ng sapatos at baka itusok lang nya samin. hahaha.

=0=Nung nag asawa si mam at naging mrs. libiran na sya mula sa pagiging ms. felias, at nabuntis agad, eh nalipat kami panandalian sa seksyon one, kina mam alincastre. dun ko ulet nakasalamuha sila jerby, merghine, gunyo, sarinas, si mary jen contrata na pinatay rin nila sa pambubwiset nun, sila paolo at glenn bitangcol ata kaulayaw ko nun. isang toneladang math activities kung mag bigay si mam alincastre tuwing may lakad sya at kelangan nyang iwan ang klase. at dahil nga kakarampot lang ang pasensya ko sa Arithmetic nun, medyo loner ako nung napad-pad ako sa room nila. Parang gusto ko nalang umuwi at sabuyan ulet ng abo yung pusa namin habang sumisigaw ng kame-hame-wave para mas gawing nakaka-aliw yung araw ko.

=0=At dahil nga wala kaming adviser nun, nagsagawa kami nila yambot at rodie nang maitim na plano na mag-cutting class nung matuklasan namin yung nakasandig na puno ng mangga sa pader ng skul at mag-spark sa mga kokote namin ang bright idea na pede naming akyatin yun at gawing escape route palabas ng skul na di mapapansin ng mga bantay na tanod sa gate. At yun na nga, start na nang klase nun. wala nang naglisawang bata sa school ground, at naririnig mo nang boses ng teachers na nagtuturo sa kanya-kanyang klase.

Palihim naman kaming pumuslit papuntang likod ng grade six rooms kung saan nahihimlay yung punong tulay namin sa pagpuga nang umagang yun. kabog-dib dib naming ginapang yung katawan ng puno at kalkuladong tinantya kung makakaya naming lundagin yung pader palabas sa kabila. napangibabawan nang pagkasabik tumambling tambling sa park, mag luksong baka, at mag liwaliw sa kapitolyo ang takot naming mapatawan ng habang buhay na parusang pagsulat ng “i will never cut class again” pag nahuli. papalundag na sana si yambot palabas ng skul nun kasu nasa likod pala namin ang espiyang si glenn bitangcol. nag-ingay ang bubwit at tumakbo papunta kay mam deguzman para isiwalat ang pagpuga namin. buti good mood si mam (oh di lang nya naunawaan yung pagchuchu ni glenn dahil ang labo ring kausap nung batang yun) pinagwalis lang kami ni yambot sa harap ng opis. Sayang first cutting class experience ko pa naman yun kung di lang naunsyame pag puga namin. hahaha.

=0=Nung matatapos na yung taon nag migrate ata sa ibang probinsya sila carlo james, nag drop. nasulyapan ko rin yung pag dalaw ni go mark kina melanie lagtapon dun sa kabilang seksyon kasi nalipat rin ata siya ng private skul after nung grade three.

=0=Nung grade five rin naganap yung jubillee year kung san dumalaw ata sa pinas for the second time si pope john paul II (yung una na naka pope mobile pa siya eh nangyari nung grade three ata, kasi naalala ko pa na yun yung headline sa journal namin nun). Pinag papraktis pa kami ng sayaw nila mam venturina (na isa pang monster teacher nung elementary) habang kumakanta ng “Tell the world of his love, the greatest love the world has known, search the world for those who have walked astray and lead them home,…” , at nang … “For he so love the world, he gave us his only child, jesus Christ our savior, his most precious one, he had sent us his message of love…”  di ko na matandaan kung alin sa dalawa ang jubilee song. hahaha. dito ata sumikat si jamie rivera bilang christian artist.

=0=Nung grade five rin ata nagsimulang mag bangayan sina nanay tungkol sa third party issue ni tatay. kasag-sagan ng giyera nukleyar sa bahay, laging may concert, fight scenes, walk out moments, at pagalingan sa pag-birit lalo na pag uwian sa gabi. Magulo set-up dati. Dito rin ata nag umpisa pag gigirian nila sa pera. Although, mas papaunlad ang buhay namin dito. Nung panahon na’to ata nabili yung tricycle namin. tapos pinapasada kay tito jun hanggang sa kasag-sagan ng grade six. di ganun ka riwasa pero mas madali ang pamumuhay namin nung mga panahon na yun. laging nag susulputan sa bahay sina tito jun, oh sila tita fely kasama si tito abal oh danny, kung di man namamasko eh nakikibalita. ibang iba takbo ng buhay nun kesa ngayong wala na si tatay, may mga trabaho na kami at may pamilya na si kuya. mas tahimik ngayon pero parang may hinahanap hanap ako na nandun sa panahon na yun na di ko na maibabalik kahit pagbali-baligtarin ko man ang panahon.

 

-JMDC =)

About this Blog

 

 

GRADE SIX (kasabay ng sablay moments sa barkada ang kasag-sagan ng 90’s era. Highlight ng elementary years ko.)

=0=At dahil nakitaan ako ni mam ng konting bahid ng pagpupunyagi sa pag aaral, inihiwalay ako sa mga topak kids at inilagay sa seksyon two kahalubilo ng mga teachers’ pets nung grade five. Pero nung naramdaman kong boring sumunod sunod sa mga trips nina jorgen at glenn b. at walang kahihinatnan ang buhay ko sa seksyon na yun, at dahil narin sa mataimtim na pambubuyo nila rodie, jhong at yambot na magkakaklase na ipinatapon sa higher section, naglakas loob akong makipag heart to heart talk kay mam sillano, ang adviser naming mukhang bull dog.

Pero dinamdam nya ang kagustuhang kong lumipat sa kabilang seksyon at akala nya eh ayaw ko sa kanya (sa bagay, tama naman sya na ayaw ko nga sa kanya) eh wag raw akong babalik sa klase nya pag di ako tinanggap ni mrs. de jesus na adviser ng kabilang seksyon. sa kabutihang palad eh tinanggap naman ako ni mam de jesus at naisalba ako sa pamamalaboy kung sakaling di nya ko pinagbigyan. Happy Reunion ang grade six. Going strong ang barkadahan namin nila rodie kaya lalong napariwara ang buhay eskwela ko. hahaha.

=0=Dito lang ata pumalya ang “Seat Plan theory” ko. kasi girl and boy ang dapat na magkatabi sa seat plan ni mam. At nakatabi ko nun si Erica flat nose. Nung una nag kakahiyaan pa, kasu nung tumagal nag babangayan at nag uubusan narin kami ng maititirang pambuwiset sa isa’t-isa. Sadista si Ericang sarat ang ilong (sana naman di nya nababasa to. hahaha) nandyang ihagis lahat ng laman ng bag ko at ikalat sa sahig, nandyang latayan ako ng ruler sa pisngi, hampasin ng notebook at gawing target range ng bol pen. pero may mga panahon rin namang magkasundo kami, tinutulungan ko sya sa pagdodrowing sa M.S.E.P. (actually, lahat ng kaklase ko nagpapadrowing, siguro kung nagpabayad ako nun nakabili na ko ng gameboy na isa sa wish list ko nung first year.), kakwentuhan kasama si jasmine comia.

Pero mas madalas yung bangayan moments. pag wala si mam, dumidiskarte kaming tumabi sa mga gusto naming tabihan. At dahil nga di namin masikmurang pambubuset ng isa’t isa, nag kuntsabahan kami na si jhong nalang oh si rodie katabi ko at si erica naman eh lilipat kina joana marie kabayo, pag wala si mam para mas sulit yung dal-dalan moments namin, pareho kasing makakatabi namin yung barkada namin. pag may activity lumilipat ako kina yambot, tapos dun kami tabi-tabi nila jhong nag uubusan ng kwento. pag may activity rin ginagawa nila kong life support para mairaos ang pagsasagot ng seat work,  wag lang pag dating sa Math kasi pare-parehong sabaw ng bulalo ang utak namin pagdating sa problem solving.

=0=Dito ko rin nalaman na nakaka-psycho nga pala talaga ang ma-bully. Nung mga panahon na yun, kung pede lang mag dala ng sako at pabigat, tapos hablutin ng palihim sa c.r. yung nambubully sayo, ipasak sa sako ng bigas, talian, lagyan ng pabigat at i-hulog sa creepy patubig sa likod ng grade four rooms, siguro mas naging matahimik buhay ko nung grade six. Hinde ko alam kung anung problema ni Adrian C. nung mga panahon na yun oh kung may saltik lang talaga siya nung grade six oh kung magka-tagay tumira ng gin bulag yung mga nanay nila ni Gruta habang ipinag-lalabor sila kaya ganun nalang kung makapam-bully.

IMG_0006Nasa harap lang namin sila ni erica kaya wala akong ligtas. ewan ko, laging mataas ang stress level ko pag sinusumpong sya ng pagka abnormal. sabi nga ni rodie lipat nalang ako sa row nila para mailayo ako kay adrian abnormality. hahaha. pero ang nakakaloko dun eh binu-bully naman sya nang tiboli na si bacque at parang maamong tupa pag si bacque nang kaharap. may pilosopiya ako na “bawal umalala ng bitter moments” kasi mas nakakatanggal ng stress balikan yung mga sablay moments ko kesa maalala yung stressful na parte ng buhay mo na di na dapat binabalikan, parang yung kapalaran sana ni adrian na sinasako, nilalagyan ng pabigat at ini-itsa sa polluted na ilog hanggang sa makalimutan kasi wala ring silbi kung maaalala mo (ang bitter ko. hahaha).

=0= Grade six ang pinaka masaya, mapulitika, at tad tad nang kwentong-barkada na bahagi ng buhay elementary ko. Para kaming mga pulutong ng itik na di mapag hiwa-hiwalay. kung san pupunta yung isa, dapat kasama lahat. kung magc-c.r. yung isa, buong grupo yung lalabas para pumunta ng banyo. kung late kumopya ng lektyur yung isa at pupunta na dapat sa kabilang room yung klase, mag papaiwan kaming lahat kundi para samahan yung naiwang miyembro ng grupo na kumopya ng lektyur eh para narin asarin ang bagal nyang kumopya.

Gan’to kami nun, parang di mapapag hiwalay. naalala ko pa kasama pa namin si joel roman nun, parang mga may saltik na magkakaakbay naglalakad sa school ground, kumakanta ng theme song ng isang anime na nakalimutan ko na (BTx ata yun), lumulundag habang mag kakaakbay, at parang may mga sariling mundo at may kanya-kanyang dalang topic ng pag kwekwentuhan.

Kapag wala pa yung teacher at matagal maghintay ng next subject.. automatic mag titipon tipon kami dun sa gilid ng box ng mga panlinis ng kwarto, uupo sa sahig, at mag kwekwentuhan.

Masaya sana, pwera lang pag may mga nakikisaling bully kagaya nila jervy s. at robert g. na di naman invited sa kwentuhan session pero uupo dun para lang bit-bitin ka sa polo at ipakitang mas malaking bata sya kesa sayo, tolerable naman yung naipong hangin sa kokote ni jervy, ang di lang talaga kinakaya ng pasensya ko eh ang psychotic episodes ni adrian. kasi tipong labas dila pang nanununtok at tipong inaaatake talaga ng schizophrenia pag tinopak. Minsan, bukod sa pag sisilid sa kanya sa sako, naiimagine kong suutan sya ng straight-jacket, turukan ng tranquilizer, tampal-tampalin ng sapatos, at ipatapon sa mental. Pero, sayang, di lahat ng imagination nag kakatotoo. Minsan yung iba, sapat lang para pampalubag loob mo.

=0= Magulo set up ng barkadahan namin dati. punong puno ng makukulay na awayan sessions, reconcilliations, awayan ulet, bati na ulet, hanggang sa magkahiyaan nalang at di na mag pansinan. Pag napagkasunduang sipain ka palabas ng grupo, kaaway ka na ng lahat. mapalad naman ako at di ko naranasan yun. ako lang ata ang natirang matibay. hahaha. Si joel ang pinaka unang sinawimpalad na masipa palabas ng grupo. di ko na matandaan kung bakit pero parang nagkasundo-sundo nalang na pare-pareho naming ayaw nalang bigla sa kanya kaya napag desisyunang di na namin sya papansinin kinabukasan at tatabihan pag may kwentuhan sessions.

At dahil magkapit-bahay sila ni yambot, nag karoon ng pagkakataon na nagkampihan sila at pareho silang sinipa sa barkadahan, tapos nung si rodie naman ang nasipa palabas ng grupo, sila naman ni rodie ang best of budz. Pero si jong ata ang pinaka kawawa kasi sila ni joel ang pinaka di nakabalik sa grupo. Pero maswerte parin sya kasi nakatagpo siya ng kabatak sa likod ni marving ulong gatchalian. tapos dumating rin yung panahon na kaming dalawa lang ni yambot yung magkaulayaw sa klase, eto ata yung panahong may bagyo, konti lang ang pumapasok. at dahil si Francis Yap ang katabi nya sa upuan, nakabatak rin namin si yap at sinimulang tuksuhing pantit nung pumasok na si rodie hanggang sa sila naman ang nag umbagan.

Ganun lang ang buhay nung elementary, puro basag ulo’t away bata.hahaha. Hanggang sa huli, kaming tatlo lang ata nila rodie at yambot ang natirang magkakabati sa grupo. yung ibang nasipa di na nakabalik. hahaha. hinde ko alam kung panu kami nagkakaaway away bukod sa korni mag break ng joke si jong, may pagkabully si rodie, back fighter si joel, at mahina kokote ni yambot, wala na kong maalalang pinagsimulan ng away away namin. masaya lang kasi pag di mo bati yung isa parang lagi kayong may topic sa upuan.

Pinaka kawawa nun si joel, lakas pa namang mambully ni rodie, parang di bansot kung makasigaw ng lampayatot pero ngawa nung inundayan ng sipa ni joel. Siguro isa sa pinaka dahilan kung bakit nag kakagalit galit eh yung classic na taguan pag magkakasamang lumabas ng kwarto. Na pag napag usapang pag taguan yung nahiwalay na kasama eh ang tagal bago magpahuli at magkabati-bati. Nung buhay pa yung stage, yun yung pinaka magandang hiding place namin, lalo na dun sa malaking telon na pantakip ng stage, oh kaya umaakyat sa taas para silipin kung nasan na yung pinag tataguan namin.

Minsan nakakarating sa likod ng grade five rooms, oh ng Grade four para lang di mahuli. tapos nag kukutusan pag nagkahulihan na at pawisang babalik sa room. parang laging walang klase. masarap maging grade six ulet. masarap bumalik sa pagkabata na wala ganung iniintindi at inaalalang problema sa buhay.

=0= eto rin yung panahon na sagana ako sa baon, trenta pesos ata bigay ni tatay araw-araw. mayaman ka na nun pag ganun ang baon mo. P1.50 lang ang pasahe sa jeep at limam piso lang ang macaroni sa canteen. piso ang samalamig, P1.50 ang manggang may bagoong, at walang problema sa tuition. mababa pa ang cost of living. kahit nga limam piso lang ipabaon sakin nun makakauwi parin ako samin nang walang nawawalang bahagi ng katawan.

Kumikitang kabuhayan rin yung tindahan ni tatay sa loob. kumukulimbat ako ng jelly ace, peewee, cheeze it, snaku at iba pang chitchirya at pinapamudmod kina yambot pag pasok sa skul kinabukasan. tinitimplahan ng sunny orange yung cole-man oh nilalagyan ng ice candy na tinda rin dapat ni nanay kahit tubig pa sya huhugutin ko na sa freezer malantakan lang sa skul. masaya buhay nung grade six.

=0= tad-tad rin ng lakwatsa escapades ang school year na’to. nakarating kami sa bahay ng isa’t-isa. kina joel sa menzyland nung magkakabati pa kami at dala pa nya yung bike nya at natripang tumakas sa skul ng naka-bike para umuwi sa kanila. Nagmabibo naman akong mag drive pabalik ng skul kahit first time mag bike, at ayun pareho kaming pinulot sa lupa. mabait naman si joel, sinawim palad lang talagang masipa palabas ng grupo. hahaha.

Pumunta rin sila samin minsan, nakipag utuan sa automatic naming pintuan at inubos papakin yung milo namin. nakita pa ata sila ni tatay sa park pauwi kasi kinastigo ako nung nakasalubong ko rin, bakit daw nasa kanila yung bag ko. yung bag ko pa nun eh yung improvised na bag na yari sa illustration board na pinatungan ng poster nya ng dinosour, nilagyan ng plastic cover at tinahi para maging poging poging bag. hahaha. napad-pad rin kami ng bungahan nung mag death march sa boy scout Hiking.

Napunta rin kami kina rodie pero wala ata sila sa bahay, at bumalik nalang sa skul mula short-cut sa felisisima. kina mase (Maricel B.) nung walang patumangga kaming nag video machine, uso pa nun yung video karera pero wala sa barkadang may hilig dun, lahat hayok sa street fighter, lagi kong pinipili si dalzhim na humahaba’y kamay at paa. piso-piso bawat laro. minsan pag nakatamarang lumabas ng skul ground, naghahanap nalang nang makukutaan sa loob.

Naalala ko pa yung sikretong lugar dun sa likod ng grade six at tindahan ng water baloon na inangkin na namin at ginawang home-base pag may mga sikretong pag pupulong. kasi swak na swak yung lugar para gawing hiding ground, tipong kelangan mo pang sumuong sa talahiban at walang makakapag isip na may ganung lugar pala sa likod ng lumang H.E. room.

=0= Hinde masyadong memorable yung graduation, siguro kasi hinde pa nag sisink-in sa mga kokote namin kung anu ba talagang mangyayari pag katapos ng graduation at pagkatapos umalis ng skwelahan na yun na pinag kutaan namin ng anim na taon. walang masyadong emosyon ang araw nayun. ang alam ko lang, mainit sa Bulacan Hiyas convention center, walang pameryenda ang organizer ng event, at wala sa lugar na yun ang diwa ko. matapos ko’ng umakyat sa stage, kunin ang diploma, eh wala na kong sunod na maalala. ah, merun pa pala, tinangay nila ko sa walang kamatayang jolibee para lumapang ng mag spaghetti.

=0= Hinde ko na masyadong maalala kasi tipong dalawang dekada nang nakakalipas nung nangyari mga ‘to, pero masayang balikan ang grade six. Dito ko nalaman na bukod sa libro, chalk at black board, English, Math at Science, may iba pa palang mas magagandang natututunan sa pagpunta naten ng skul. Bukod sa natututo kang lumaban at maging creative sa pag-iimagine kung panu mo isusuplong yung ungas mong kaklase pag binubully ka, natutunan ko ring makisalamuha sa mga batang may iba’t ibang kalikaw ng bituka, ugali at issues sa buhay.

Nalaman kong mas masarap umupo sa sulok kasama nila at mag ubos ng ikwekwento mula sa napanuod nyo kahapun, kanya-kanya nyong problema sa kasalukuyan at mga nakalipas nyong sablay moments, kesa umupo sa silya at magsunog ng kilay at buhok sa kili-kili sa pag sosolve ng math problems ni mam Manahan na Math teacher slash espiritista ng skul.

Nalaman ko rin na di lahat ng pagkakaibigang nabubuo eh tumatagal at pang habang panahon. Masaya balikan ang Elementary. Masayang isipin na bukod sa unang bigkas mo ng A-Ba-Ka-Da, dun mo rin unang nabigkas yung mga salitang di mo alam na babago na pala ng buhay mo at dala-dala mo kahit wala ka na sa skul at gang photo album mo nalang nababalikan itsura mo nung elementary.

-JMDC =)

About this Blog